KABANATA APAT:

ANG MGA KASINUNGALINGAN

Ang Mga Sinungaling

Bumukas ang lagusan sa tore ng mga Hadezar, sa pagbukas ng lagusan pumasok ang nabalam at nahuli sa inaasahang pagtitipon ng sanggunian ng mga Hadezar. Sa pagpasok nito natunghayan nito ang kanina pang naabala sa kanyang huling pagdating. Humingi siya nang tawad sa kanyang pagiging huli. Hindi niya inakala na marami ang masmaagang darating kaysa sa kanya sa pagtitipon ng mga Hadezar. Kaagad umupo siya kasama nang mga ito sa isa sa mga mahahabang mga upuan na nakaharap sa altar kung saan makikita ang malaking tapiserya na larawan ni Battala.

Sa simula nang kanilang pagtitipon hindi na sila nagpatumpiktumpik pa, pinag-usapan nila ang pagtatakdang gagawin sa susunod na patnugot, pinuno at Hadezar nang tahanan ng mga Barakat. Hindi lingid sa kanila na ilang araw pa lamang ang nakararaan simula nang mamatay at mailibing ang Adi Hiba, ang dating Hadezar nang tahanan ng mga Barakat datapwat ang ilang araw na itong tinutukoy ay napakatagal para sa pamumuno sa Ja’khar. Kahit pa sabihin na hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng puwang sa kalipunan nang mga Hadezar.

Alam nang apat na mga Hadezar na kayang mabuhay nang higit pa ang Ja’khar kahit bawas ang kalipunan ng mga pinuno at walang kinikilalang Hadezar ang isa sa mga tahanang bumubuo sa kalipunan ng Ja’khar. Ilang ulit na itong napatunayan. Ang pinakamatagal ay siyam na taon—ang pagbagsak ng tahanan ng mga Barakat…sa ikalawang pagkakataon.

Magkagayonman hindi sila maaaring mabakante nang isang katungkulan lalo pa’t tuloy-tuloy ang nararamdaman nilang kaginhawahan na nagsimula halos dalawampung taon na ang nakararaan. Sinabi nang Hadi Mahdi, ang hadezar ng tahanan ng mga Harith, hindi sila maaaring mag-aksaya nang pagkakataon at patagalin ang pagbabakante sa katungkulan nang Hadezar ng tahanan ng mga Barakat. Marami ang nangyayari sa malayang Andes nang hindi nila kagustuhan. Lalo pa paligidligid sa labas nang kanilang bayan ang maraming panganib na naghihintay at nakaumang sa banta nang pagpasok at panghihimasok na handang manalasa. Mahirap na kung dadalhin pa nila ito sa loob at hahayaang.

Paalala nang Hadezar ng tahanan nang mga Parvana, ang Hadi Hagir, hindi nila maaaring kalimutan na hindi pa nakakabangon ang kanilang lipunan mula sa pananalasa nang sama nang panahon.

Gayong sa tingin nang Hadi Mahdi ay makabubuti ito para sa kanilang lahat, lalo pa matapos na manalasa ang sama nang panahon.

Pagtataka nang isa, ang Hadezar nang tahanan ng mga Roshan, Ang Hadi Mirza kung bakit ngayon lang…kung ilang buwan na ang nakakalipas at halos magtatapos na ang panahon nang pag-ani gayong ngayon pa lamang sila kikilos at maghahanda sa pagtatalaga nang isang bagong Hadezar para sa tahanan ng mga Barakat.

Bagay na sinang-ayunan nang Hadi Khalil, ang Hadezar nang tahanan ng mga Ardashir.

Walang kumibo…

Sinabi nang Hadi Hagir na may isang pagkakamali ang hindi nila inaasahan…isang pagkakamali na wala sa hinagi ay makikita at malalaman. Baga na sinang-ayunan ng Hadi Mahdi. Tinanong nang hadi Mirza kung ano ang pagkakamaling iyon at ang sagot nang Hadi Mahdi ay, “kaguluhan!”

Tinanong nang Hadi Khalil kung paano sila nakasisiguro.

Sinabi nang Hadi Mahdi na nakipagtulungan sila sa Herren nang Ka’desh matapos nitong humingi sa kanila nang tulong.

Bagay na ipinagtaka nang Hadi Khalil. Tinanong nito ang Hadezar ng tahanan ng mga Parvana kung alam rin nito ang tulong na pinagsasabi nito. Bagay na pinatotohanan nito at inaming naroroon siya nang magkita ang Hadi Mahdi at ang Herren nang ka’desh.

Bagay na lalong ipinagtaka nang Hadi Khalil at tinanong kung bakit hindi nila ito nalalaman o gayong walang sinoman ang nakakaalam nito…bagay na sinang-ayunan nang Hadi Mirza.

Pinaliwanag nang Hadi Mahdi na naganap ito bago ang pamiminsala nang sama nang panahon at ang kamatayan nang Adi Hiba. Tinulungan nila ang Herren laban sa kapatid nitong umaangkin nang katungkulan nito. Ngunit nang nagtagumpay ang Herren nang Kadesh laban sa kapatid nito nalaman nilang nakisali rin ang Qaa’ur sa labanan nang magkapatid…lumakas ang pagkakataon nang kapatid nang Herren upang maangkin dito ang kapangyarihan sa pamumuno sa buong Ka’desh at ngayon humihingi nang dagdag na tulong ang ka’desh sa kanila, bagay na hindi nila maaaring gawin.

Gayong tuluyan nang nagsimula ang kaguluhan sa Ka’desh at hinhintay nito ang kanilang tulong.

Tugon nang Hadi Mirza na may pangamba ang naidulot na kamatayan nang Adi Hiba na hindi nila maaaring ipagsawalang-bahala. Nasa kaguluhan ang Ka’desh, gayon din ang kanilang bayan na nangangamba at natatakot baka matapos ang kapayapaan at kasaganahan na nararamdaman nila sa mga sandaling ito. May kaguluhan sa kanilang bayan at hindi maghihintay ang sinoman na may takot at pangamba ng matagal para iwaksi at ipakilala sa kanila ang kaguluhan ito…Takot na ngayon lamang muli nararamdaman.

Hindi sila maaaring baliwalain ang tinatamasang mahabang panahon ng kapayapaan na kanilang nararanasan…iyon ang hindi maikakaila.

Sinabi nang Hadi Khalil na hindi nila maaaring sabihin kung ano ang nangyayari sa Ka’desh, ang kaguluhan sa dalawang magkapatid…ang pagkakaroon nang digmaan. Walang sinoman sa mga tagabulong ang dapat makaalam nang mga nangyayaring ito, mahirap na kung kumalat ito at maghasik.  Bagay na pinagkaisahan ng lahat.

Sinabi nang Hadi Mahdi na ito lamang ang tanging paraan upang makalimutan at mawaglit sa Ja’khar ang mga takot at kaguluhan pansamantala.

Datapwat dagdag nang Hadi Mirza na magkagayonman hindi na nila maaari pang hayaang bumagsak ang tahanan ng mga Barakat tulad nang kanilang ginawa mahigit dalawampung taon na ang nakakalipas. Bagay na sinang-ayunan nang Hadi Mahdi.

Malinaw sa kanilang ang lahat…Matapos noon agad nilang itinakda ang pagsilang ng pinuno, patnugot at ang bagong Hadezar nang tahanan ng mga Barakat—

Ang Hadi Yasir

Nang muling buksan ang lagusan nang tore agad siyang pumasok sa loob nito na kagyat sinara rin nang mga Hadezar. Sinalubong siya nang may kagalakan at kasiyahan nang kalipunan ng mga Hadezar. Kasabay nito tinanggap siya nang mga ito na maging bagong kabahagi nang kalipunang kinikilala nang lahat. Unang lumapit sa kanya ang Hadi Mahdi na bumati at tumanggap sa kanyang pagdating…na sinundan nang iba pang mga Hadezar.  Siya ang bunsong at nag-iisang anak na lalake nang yumaong Adi Hiba, siya ang magiging tagapagmana ng kanyang tahanan. Sa itinakdang panahon, sa ikatlong araw simula nang kausapin siya nang mga ito at sabihin sa kanya ang kanyang pagsilang at pag-angat, sinimulan niyang angkinin ang para sa kanya at tanging sa kanya lamang. Wala nang kailangan pang pagbotohan, walang mali sa mga nangyayari ngayong araw…sa pagpasok niya sa tore ng mga Hadezar, sa pagtanggap sa kanya nang kanyang kalaban bilang inaakala nitong kakampi at sa mga kasinungalingang kumakalat sa hangin sa loob ng tore. Alam niya. Nakatitiyak siya na sa simula pa lamang siya na ang dapat maging Hadezar.

Ang loob nang tore nang mga Hadezar ay inayos upang makapagtanggap nang maraming mga panauhing makikinood sa kanyang pagsilang. Suot ang kulay nang kanyang tahanan, at iwinaksi ang mga lumang itim at kayumanggi, isang pangkaraniwang pulang Báta na walang burda liban lamang sa katingkadang tinataglay nito, kasingpula ng dugo, kasingtingkad nang mga bulaklak. Makapal at hindi maikakailang mamahalin ang itsura. May braso ang Báta na hanggang sa ibabaw nang kanyang siko. Ang kanyang suot na saluwâl ay may laylayang isang talampakan ang pagitan mula sa bukong-bukong nang kanyang paa, burdado nang mga ginintuang sinulid at nagtataglay nang mga okri na mga disenyo nang mga malalaking pulang bulaklak ng Cafir at nang mga mayayabong na mga dahon ng mga puno nang buri at uway. May mga bakal na panara at sinturong gawa sa ginto na nakatali sa kanyang beywang at hinihigpitan sa kanyang suot na damit. Nakapusod ang kanyang buhok, bagong ahit ang kanyang mukha at paligid nang kanyang ulo. Ang kanyang mga binti ay may mga bagong tata’u na mistulang balat nang mga buwaya ang itsura.

Sa kanan niyang palasinsingan suot niya ang luntiang batong singsing nang kanyang ina. Ang kanyang mga kamay ay nagtataglay nang mga galang na gawa mula sa balat nang buwayang Magan. May pangkulay ang kanyang mukha nang itim na makikitang nakaguhit nang pahalang sa kanyang mga mata upang lalong tumingkad ang luntiang niyang mga mata.

Ito ang unang pagsilang nang isang Hadezar matapos ang dalawampung taon.

Sinimulan niya ang unang bahagi nang kanyang pagsilang. Sinugatan niya ang kanyang sarili at pinatak sa malinis na tubig na nakalagay sa isang palanggana. Kasunod noon isa-isa niyang tinanggap at pinanumpaan ang mga saligang nagtatakda at sumasailalim sa bawat Jingkar, Hadezar man o hindi. Sampung saligan para sa mga nasa ilalim nang kanilang pamumuno. Lima para sa kanilang katungkulan. Dalawampu para sa lahat nang Ja’khar na kinakailangan niyang ipanukala. At dagdag na tatlumpu’t lima para sa iba pang mga saligan na naayon sa kanyang katungkulan na kinakailangan niyang isadiwa, sundin, ipanukala at isagawa sa kanyang pinapatnugunan. Bagay na kung tutuusin hindi niya kinikitaan nang ikalulugod, sa kanyaman o sa kahit kanino na nasa ilalim nang kanyang patnugot. Sa halip ay binibigyan lamang siya layaw na panghawakan hangga’t sa gusto niya ang kanyang katungkulan.

Matapos ang panunumpa binuksan nang mga Hadezar ang lagusan nang tore na gawa sa matibay at makapal na kahoy at mga bakal na inukit na debuho. Sa pagbubukas nang pintuan nakita nang mga ito ang mga Jingkar na inanyayahan at gustong mapanood ang kanyang pagsilang. Dagsa ang mga ito sa labas nang tore nang mga Hadezar, sa mga baitang at sa paligid na lupaing nakapalibot dito. Siguro nagmula ang mga ito iba’t ibang mga tahanan…siguro inanyayahan at inimbita sa kanyang pag-angat bilang ang pinakabagong Hadezar ng tahanan ng mga Barakat.

Nakaluhod siya sa harap nang Hadezar nang tahanan ng mga Harith. Nakapatong sa kanyang katawan ang isang mahabang kapa na ang laylayan ay lagpas sa nakaluhod niyang katawan. Mamulamula at kupas na ang kulay ang makapal na kapa. Burda ng mga ahas na gumagapang sa mga kwadradong mga hugis na mistulang mga sakahan.

Katabi nang Hadi Mahdi ang Hadi Khalil, ang kanyang tiyo, ang Hadezar na nagsabi sa kanyang ina at mga kapatid na tapos na ang panahon nang pagtulong nang mga Hadezar noong bagsak na bagsak sila at walang-wala. Matapos ang pagbubukas nang lagusan ng tore ng mga Hadezar bumalik sa pagkakahanay ang mga Hadezar nang tahanan nang mga Roshan at Parvana sa kanyang harapan.

Sumumpa ang Hadi Yasir sa kalipunan nang mga Hadezar. Pinangako niya ang mga tinupad na mga inatas na susundin, isasadiwa at isasagawang tinalimang mga batas. Bagay na mahirap gawin kung tutuusin. Pinangako niya ang paggalang sa kanyang mga nasasakupan. Pinangako niya ang paggalang sa kalipunan nang mga Hadezar at sa kapwa niya mga Hadezar. Itinaas niya ang kanyang ulo at tumingala sa Hadezar nang tahanan ng mga Harith, ang kanyang kalaban.

Sinabi niya na siya ang Hadezar na mamuno sa tahanan ng mga Barakat. Siya na mula sa lahi nang mga Barakat. Bunsong anak nang Adi Hiba na marikit, dating hadezar, at nang Hadi Karim na anak nang makatwirang Hadi Abbas, dating Hadezar, ay babangon at isisilang bilang ang pinakabagong Hadezar ng Ja’khar— nang tahanan ng mga Barakat.  Kinuha nang Hadi Mahdi ang isang bakal na sulyaw na naglalaman nang pulang putik na may halong langis. May masangsang ang amoy. Magaspang itsura.

Dinilat niya ang kanyang mga mata.

Kasunod noon pinahid nang Hadi Mahdi ang pulang putik sa kanyang noo nang pakurbado na sinundan nang patayong linya sa kanyang ilong. Sinundan ito nang hadezar nang tahanan ng mga Ardashir. Pinikit niya ang kanyang mga mata. Pinahid nito sa kanya ang pulang putik at inilagay sa kanyang mukha nang pahalang. Sinundan ito nang hadezar ng tahanan nang mga Parvana maging ito pinahid sa kanya ang pulang putik nang pahalang sa kanyang mukha. Huling gumawa nito sa kanya ay ang Hadezar nang tahanan ng mga Roshan na naglagay nang pulang guhit pahalang sa kanyang mukha.

Matapos ang pagpahid isa-isang naghugas nang mga kamay ang ngayong kapwa niya mga Hadezar sa isang maliit na palanggana na nasa likuran nang mga nakaharap sa kanyang Hadezar kung saan niya sinugatan ang kanyang kamay at hinayaang itulo ang dugo. Buo na ang kanyang loob. May galit at suklam ang kanyang mga mata kasabay nang masangsang na amoy na nasa kanyang mukha. Tikom ang mga salita, may dungis ang pagdadalawang-isip.

Kasunod noon inutusan siya ng Hadi Mahdi na tumayo mula sa pagkakaluhod nito. Bagay na kanyang ginawa. Sa kanyang pagtayo humarap siya sa mga Jingkar na nasa labas nang tore ng mga Hadezar at naghihintay sa kanyang pagsilang.

Tinanggal nang Hadi Mahdi sa kanyang katawan ang mabigat na kapa na nakasabit sa kanya likuran. Saka siya maingat naglakad, bumaba sa altar sa loob ng tore ng mga Hadezar kung saan makikita ang larawan ni Battala.

Ngayon ganap na siyang Hadezar nang tahanan nang mga Barakat. Ngayon magsisimula ang pagkilos nang kanyang mga binabalak na paghihigante…Nagsimula siyang maglakad palabas sa mistulang tagilo na tore.

Nakita niya ang kanyang mga kapatid na nag-aabang at pinapanood ang kanyang pagsilang. Nakangiti ang mga ito sa kanya. Tumango sa kanya bilang pagbibigay galang.  Ang mga ngiting ito ay hindi ngiti nang kagalakan bagkus ngiti nang pagsang-ayon.

Ang kanyang pagsilang ay isang maingat at mahusay na paraan nang kanyang ina. Pinaghandaan inaasahan at ipinangako. Alam niyang mangyayaring ito. Noonman, hanggang sa ngayon hindi nawalan sa kanyang ina ang pag-asa na siya balang araw ay magiging Hadezar ng kanyang tahanan. Isang pangako hanggang kamatayan.

Ang kanyang bawat pagkilos ay mahinahon at mabagal datapwat pinapansin at hinahamak. Nagpatuloy siya kahit alam niyang mabigat ito sa kanyang pakiramdam. Nagpatuloy siya. At sa kanyang pagiging Hadezar, sa kanyang paglabas sa toreng mistulang tagilo na hindi hamak na maliit kumpara sa tore ng mga anino. Maaamoy ang kasinungalingang nakaligid sa hangin, isang masangsang na amoy na masakit sa ilong. Isang masangsang na amoy na nagmumula sa pangkulay na nasa kanyang mukha.

Ang kanyang pagiging Hadezar ay hindi isang kasinungalingan.

Naglakad siya sa mga baitang nang tore pababa sa daanan. At sa pagbaba niya sa mga baitang sinundan siya nang kanyang mga kapatid na Adi. Sa bawat Jingkar na kanyang nilalagpasan at ngayon pa lamang nakita nakatitiyak siyang walang ibang iniisip ang mga ito kung hindi ang kanyang pagsilang. Na sa bawat huwad nilang ngiti na binabalikan niya nang ngiti na lumalatay sa kanyang pagkatao: siya bilang ang panibagong Hadezar na magpapabagasak sa kanyang tahanan; siya bilang ang panibagong Hadezar na magiging sunudsunuran at alipin nang mga maimpluwensya na kanyang mga kalaban.

Bagay na hindi niya hahayaang mangyari…Bagay na mahirap makuha.

Ang kanyang pangako sa labi nang kanyang ina ay walang katiyakan, lalo pa’t nandoon at nakikinig sa kanyang mga panalangin ang nagmamanyikang nasa likuran nang pag-angat nang tahanan ng mga Harith at nang Hadezar nitong si Hadi Mahdi.

Nagpatuloy siya sa kanyang paglalakad at sa kanyang pagbaba sa mga baitang hindi inaasahan na makita niya ang isang hindi pangkaraniwan, isang Hariqa.

Bigla tumigil siya sa kanyang paglalakad. Bigla tumigil ang mga sandali sa kanyang pagkilos at paggalaw nang bawat nakapaligid sa kanya. Naglaho ang mga mukha nito nang tulad sa isang malikmata. Hilam. At liban lamang sa kanya at ito ang mistulang nanunuri sa isa’t isa.

Nagtaka ang mga Jingkar na nakapaligid sa kanya. Tinitigan siya nang mga ito.

Nakita niya ang pagtataka sa mukha nang kanyang tinitigan. Kita niya dito ang hindi maitatangging pagkahiya sa knayang ginagawa.  Napatingin ito sa kasamang Adi nito, may ibinulong sa tenga.

Lumapit sa kanya ang Adi Sule. Tinanong siya nito kung ano ang kanyang ginagawa. Kung bakit sila tumigil…Sinabi nito sa kanila na pinagtitinginan sila nang mga nakapaligid sa kanila ngunit wala siyang pakialam. Wala siyang narinig dito. Bulag at bingi ang kanyang mga nakikita sa kanyang paligid mga larawang nakaguhit at walang kulay.

Nagsimulang magbulungan ang mga Jingkar na nakapaligid sa kanya. Nakaramdam siya nang pagdududa sa kanyang sarili at sa kauna-unahang pagkakataon sa tanan ng kanyang buhay hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Biglaan at kasing bilis nang pagguhit ng kidlat ang mga pangyayari.

Hinangad niya na malaman kung sino ito. Gusto niyang malaman ang pangalan nito…kung ano ang ginagawa nito sa kanyang pagsilang at bakit ngayon niya lamang ito nakita gayong ni minsan hindi pa sila nagkikita.

Sa kauna-unahang pagkakataon nakilala niya ang Adi na itinitiyak niyang nababagay sa kanya kahit hindi siya nakasisiguro. Sa kauna-unahang pagkakataon nakilala niya ang Adi Hikmet na mula sa tahanan ng mga Roshan.

Lumapit sa kanya ang Adi Makbule. Sinabi nito sa kanya na may panahon ang ganitong mga bagay sa ibang pagkakataon. Sinabi nang kanyang nakatatandang kapatid na babae na kailangan nilang magpatuloy…na kailangan silang maglakad pababa sa mga baitang ng tore ng mga Hadezar at pabalik sa kanyang tahanan at maging mapag-isa. Bagay na hindi niya na alam kung gugustuhin niya pa bang makapag-isa.  Ngunit napilitan siyang gawin kung ano ang kagustuhan nang kanyang nakatatandang kapatid na babae para na rin sa kabutihan nang nakararaming panauhin na dumalo sa kanyang pag-angat at pagsilang…

Nagbigay siya nang paggalang sa pamamararaan ng pagtango at kasunod noon tinanggal niya ang kanyang pagkakatitig sa Adi na kanyang kaharap. Naglakad siya pababa sa mga baitang nang tore nang mga Hadezar at nang tuluyan na siyang nakababa. Humarap siya sa kanyang mga kapatid. Nagbigay ito nang paggalang sa kanya. Niyakap siya nang Adi Makbule na sinundan nang pagyakap at paghalik sa kanyang kamay nang Adi Sule. Hinawakan nito ang kanyang balikat. Sunod tumango-tango ito sa kanya bilang pagsang-ayon…

“Ikaw na ang bahala sa amin…” pagkakaalala niya. Tinalikuran niya ang mga ito. Binaling niya ang kanyang sarili sa mahabang daanan pabalik sa kanyang tahanan habang hinihintay siya nang mga anino na nasa ilalim nang kanyang pamumuno.

Kasunod noon sumakay siya sa isa sa kayumangging asong-gubat na kanyang alaga na hawak nang isa sa mga Anino na naglilingkod sa kanyang tahanan.  Bago siya umalis, binaling niya ang kanyang pansin sa mga panauhing nasa labas nang tore ng mga Hadezar. Tinignan niya ang mga nasa baitang ng tore ng mga Hadezar. Kasunod noon tumingala siya at tinignan ang tore. Saloob niya sa kanyang sarili ito pa lamang ang simula. Matapos noon tinawag niya ang pangalan nang asong-gubat. “Mamé”. At saka siya kumilos. Tumalikod at nagpatuloy.

Kasama ang iilang mga Imago nang tahanan ng mga Barakat na kanyang pinamumunuan iniwan niya ang tore nang mga Hadezar. Sinimulan niyang bagtasin ang pangunahing daan, ang daan ng mga panaghoy, pabalik sa kanyang tahanan.

Sa pagbalik niya sa tahanan nang mga Barakat dinala niya si Mamé sa loob ng yungib ng tahanan. Lumabas siya sa madilim na pasilyo at sa kanyang paglabas nakita niya ang pagal na itsura nang kanyang tahanan. Ang kalungkutang namamayani dito…at hindi maipinta nang kadiliman na namumukod tangi.

Binaba niya ang paratilya at ang sapin ng asong-gubat sa sampayan na malapit sa paliguan at sa bulwagan. Kasunod noon umakyat siya sa ikalawang palapag ng tahanan ng mga Barakat. Nagpatuloy ang kanyang buong araw na lubhang pangkaraniwan. Kumain nang kanyang hapunan …nagbabad sa mainit na tubig nang bukalan…nagpakalango sa nakakalasing na inumin at saka bumalik sa kanyang silid.

Nang gabing iyon, hindi niya magawang tanggalin sa kanyang isip ang mukha nang Adi na kanyang nakikita, na una niyang napansin sa mga baitang nang tore ng mga Hadezar at naaalala. Ngumiti siya. Kasunod noon pinikit niya ang kanyang mga mata. At narinig ang kanyang haluhoy sa kadiliman.

Advertisements

2 thoughts on “KABANATA APAT:

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s