Perlas nang Silangan

Perlas nang Silangan

Yaring perlas sa dakong silangan
Tagong ganda at natural na yaman
Subalit sa kanya ay malaya
Maglanguyan ang mga buwaya
Mga naglipanang linta
Sa pagsipsip ay hindi nagsasawa
Isang damukal na talangka
Perlas ay hinihila pababa

Yaring perlas sa dakong silangan
Tagong ganda at natural na yaman
Higante’t agila siya’y pinagaagawan
Maambisyon sa sariling kabutihan
Siyang higante’y gamit karahasan
Siyang agila’y panggap na kaibigan
Dalawa’y matindi ang tunggalian
Nais makinabang sa natatagong yaman

Kabibe nga ba’y nasaan na?
Hindi pa rin ba nagkakaisa?
Sino na lang ang poprotekta?
Hahayaan na lang ba?
Gahasain ang kagandahan
Nakawin ang yaman
… ng perlas sa dakong silangan.

—Words by Gene Marx Guiao

Kinuha mula sa “the Artidope” facebook account

BUGTONG

BUGTONG

May isang dalagang may buwan sa dibdib,
may tala sa noo na kaakit-akit,
nang aking makita’y natutong humibik,
nabinhi sa puso ang isang pag-ibig.

May isang binatang may luha sa mata,
may tinik sa puso at tigib ng dusa,
ang binatang ito nang iyong makita
nakaramdam ka rin ng munting balisa

May isang babaing matigas aug puso,
sa ano mang taghoy, hindi kumikibo,
kapag nag-iisa, luha’y tumutulo
may lihim na awa sa namimintuho…

May isang lalaking matibay ang dibdib,
sa bayo ng dusa’y marunong magtiis;
ma-gabi, ma-araw walang iniisip
kundi makarating sa pinto ng langit.

Ito’y isang bugtong na may-kagaanan,
nguni’t pusta tayo, di mo matuturan,
ang dahilan ay ‘di sa hindi mo alam
kundi sa ugaling matimpiing tunay.

Nguni’t balang araw ‘di mo matitiis
na ‘di ipagtapat ang laman ng dibdib,
ang bugtong ko naman sabay isusulit
na ang kahuluga’y tayo sa pag-ibig.

—Iñigo Ed. Regalado (Marso 16, 1888 – Hulyo 24, 1976)

ANG HALIK NI INA

ANG HALIK NI INA

Ang mata ni ina’y bukalan ng̃ luha
Kung may dala-dalang damdamin at awa,
Ang lahi ni ina’y sampagang sariwa
Na may laging laang halik at kaling̃a.

Sa halik ni Ina ay doon nalagas
Ang tinik at bulo ng̃ musmos kong palad,
Sa halik ni ina’y aking napagmalas
Na ako’y tao na’t dapat makilamas.

Ang bibig ni inang bibig ng̃ sampaga’y
Bibig na sinipi kina Clara’t Sisa
Kaya’t mayrong bisang kahalihalina.

Ang halik ng̃ ina’y apoy sa pagsuyo,
Hamog sa bulaklak, Pag-asa sa puso’t
Liwanag sa mg̃a isipang malabo.

—Pascual de Leon

ANG “VALENTINE” KO

ANG “VALENTINE” KO

AKO ay naghanda ng puting tarheta,
sa gitna’y may pusong mapulang-mapula;
ito’y kasimputi ng aking panata,
ito’y kasindugo ng aking pagsinta.

MAY lunti pang lasong dito’y nakakabit,
kulay ng pag-asa’t aking pananalig;
ang laman ng diwa’t kumakabang dibdib
ay nakalimbag ding mga gintong titik.

AKING isinulat ang iyong pangalang
singyumi’t sintamis ng iyong kariktan;
nilagdaan ko rin ng aking palayaw
na nasa bigkas mo kung may kabuluhan.

PARANG puso ko rin — huwag kang mamangha —
ito’y hindi biro, ito’y hindi daya;
ang inaasam ko ay puso ring sutla,
sa pag-asang yao’y puso mong dakila.

Sa araw ng puso — nasa kalendaryo —
pusong pulang sutla ay para sa iyo;
alin pa ang langit kapag nanagano
sa rosas mong labi’t dibdib na mabango.

Sa masayang araw at hanging maaya,
ang sinugong puso’y sasaiyong ganda;
ito’y magsasabing sa tuwa at dusa,
ang “Valentine” ko’y ikaw — walang iba!

—Aniceto Silvestre

Pilipino, Pebrero 14, 1968